advanced search
Walang Sugat sarswela

Valedictory of Viktor Fumar (AHS 2008)




 

What follows is the valedictory address of Viktor Fumar at the Ateneo de Manila High School commencement exercises. It was delivered at 5:30 p.m. on Sunday, March 30 at the AHS Covered Courts.



Padre Nebres, Padre Hizon, mga administrador, guro, magulang, at panauhin; at mga kapwa magtatapos: magandang gabi.

Isang nakalululang na responsibilidad ang ibinigay sa akin ngayong gabi: ang magbigay ng isang talumpati ng pamamaalam. Paano ko nga ba naman maipapahayag at maibabahagi gamit ang aking mga salita ang nais sabihin ng limang-daang magtatapos? Paano ko sasabihin para sa inyo ang “paalam, Ateneo” kung hindi ko rin naman alam ang nilalaman ng bawat isa ng inyong mga puso?

Kung kaya’t hindi na lamang ako tuwirang mamamaalam. Aanyayahan ko na lang kayong mangalaala.

Natatandaan pa kaya natin noong maliliit pa tayo, mga dalawa o tatlong gulang? Ano ang paboritong ipasuot sa atin? Ano ang paboritong ipakain sa atin? Ano ang paboritong ipagawa sa atin ng ating mga pamilya? Iyon pa rin ba ang ginagawa natin?

Sa palagay ko, hindi na. Tayo nga naman, ay mga binata na at marunong nang magpapogi kung kaya ay marahil hindi na tayo nagsusuot ng sando at lampin araw-araw o kumakain pa ng Cerelac at Gerber. Marahil ay hindi na rin tayo mahilig mag-beautiful eyes, mag-close open, tumula ng mga itinuturo ni Lola o sumayaw ng Makarena. 

Ngunit ano ang nangyari at hindi na natin paboritong umindak sa indayog ng Makarena? Hindi lang naman siguro ito tuluyang idinikta ng ating edad o ng panahon lamang. Ang nangyari malamang, habang tayo ay tumanda, ay natuto tayong mamili.

Ang pagpili ay isang kapangyarihan at biyaya nating mga tao. At habang tayo ay lumalaki at tumatanda, dumadami nang dumadami at humihirap nang humihirap ang ating mga pinagpipilian. Ngayong nakaraang taon, halimbawa, lahat tayo ay namili ng kung saang paaralan pupunta para sa kolehiyo at kung anong kurso ang kukunin. BS ba o BA? Med ba o Law? Ateneo ba o UP o La Salle? Dito ba sa Pilipinas o sa Singapore o sa Amerika? Katakot-takot na pag-iisip ang ating ginawa kasama ng ating mga pamilya, at ang iba sa atin, hanggang ngayon, ay hindi pa rin desidido. Ngunit, kung ating iisipin, ang prosesong ito ay hindi na bago sa atin. May isang napakahalagang desisyon tayong ginawa, apat na taon na ang nakararaan: ang pumasok sa Mataas na Paaralang Ateneo de Manila.

Naalala pa ba natin kung ano ang pumasok sa ating isip at nagsabi sa ating dito sa Ateneo mag-aral? Bakit nga ba natin piniling dito ganapin ang pinakamasasayang taon ng ating mga buhay? Ano ang dahilan kung bakit pinagsakripisyuhan ng ating mga magulang ang pagpapadala sa atin dito?

    Marahil ay naisip natin na ang maging isang Atenista ay ang magkaroon ng isang magandang kinabukasan – ang maging masagana at masaya. Marahil ito’y totoo. Ngunit matapos ang apat na taon dito sa Mataas na Paaralang Ateneo, ito lang ba ang alam natin tungkol sa pagpapaka-Atenista?

    Nang una tayong pumasok sa ating mga silid sa First Year Wing, dumalo ng Freshmen’s Orientation, nagbasa ng Hilites Magazine Freshmen’s Guide, at naipakilala sa Magis, AMDG at 5C’s, marahil ay unti-unti nating nakita na hindi lamang isang masaganag kinabukasan ang nais ibigay sa atin ng Ateneo. Nang apat na taon tayong nag-aral, sumali sa mga timpalak, nangolekta ng mga pondo para sa mga nangangailangan at nakisalamuha sa mga ito, tiyak na tuluyang pumasok sa mga isip natin ang gustong iparating ng isang Atenistang edukasyon. Tiyak na alam na natin, kahit sa kailaliman ng ating mga puso, kung ano ang kinakailangan upang magpaka-Atenista. 

    Sinasabing tayong mga Atenista raw ay may dugong bughaw. Tayo raw ay blue-blooded. Para sa akin, isa itong napakagandang simbulo. Ipinapakita nito na ang pagpapaka-Atenista ay dugong dumadaloy sa ating mismong pagkatao at nagbibigay-impluwensiya sa ating pagkakakilanlan. 

    Kung tutuusin, sa ating pagkatao nga lang naman makikita ang ating pagpapaka-Atenista. Oo, may diploma rin tayong katibayan ng ating pagiging Atenista, ngunit hindi ito katibayan ng ating pagpapaka-Atenista, sapagkat dalawang magkaibang-bagay ito: ang maging Atenista, at ang magpaka-Atenista.

    Upang maging isang Atenista, kinakailangan lang na isipin ng ating mga gurong karapat-dapat tayong magtapos sa Ateneo at bigyan ng isang diploma. Subalit, upang magpaka-Atenista, mas malaki ang hinihingi. Higit ito sa pagpapapogi sa mga taga-Assumption o sa pagkakaroon ng isang Areneo accent. Hindi. Upang magpaka-Atenista, kinakailangang sa nakaraang apat na taon, pinili natin ang mag-aral kaysa mag-dota sa gabi ng isang mahabang pagsusulit sa matematika. Bawat patak ng dugong bughaw na ating nadarama ay hinubog ng pagpili nating umangal sa mali, ng pag-amin ng ating mga pagkukulang, ng paghingi ng kapatawaran, ng magis.

    Tinatawag ng pagpapaka-Atenista ang paggamit sa ating kapangyarihang mamili. At hindi ito basta-bastang desisyon. Hindi tayo namimili ng pera o bayong sa harap ni Willie Revillame o namimili ng suitcase sa harap ni Kris Aquino. Hindi. Ang pagpili sa pagpapaka-Atenista, ay ang pagpili sa hambog na pamumuno o huwarang paglilingkod, sa pagiging sikat o pagiging respetable. Ang pagpiling magpaka-Atensita ang humuhubog sa ating pagkatao at sa ating landas sa buhay.

    Ngayon ay gabi ng pagtatapos at sa ilang buwan, maghihiwalay na tayong lubusan ng mga landas. Iba-ibang tao ang ating mga makikilala. Iba-bang mga landas ang ating tatahakin. Iba-ibang mga problema ang ating susubukang lampasan. Hindi magtatagal, gaya ng ating mga desisyon sa buhay habang tayo ay tumatanda, hihirap nang hihirap din ang piliing magpaka-Atenista. Ngunit, sana, kahit nasa Ateneo o UP o La Salle o kahit saan man tayo, piliin pa rin nating magpaka-Atenista. Sana’y madala natin ang kultura ng Ateneo saan man tayo magpunta upang ito’y lumaganap at sa mga darating na panahon, makita na ang “pagpapaka-Atenista” ay hindi lamang “pagpapaka-Atenista” ngunit pagpapaka-Pilipino at pagpapaka-tao rin. Sana’y lagi nating pakinggan ang parte ng ating pagkatao na hinubog ng Ateneo, at dinadaluyan magpakailanman ng dugong bughaw.

Bago ako magtapos, marami ang maiinis sa akin kung hindi ko banggitin ang sumusunod: sa aking ama at ina, sa aking napakalaking pamilyang narito ngayon, sa klaseng A2008, sa aking mga naging guro, sa Hilites Magazine at Sanggu-HS, at sa Ateneo, maraming, maraming salamat po.

At sa inyo, klase ng dalawang libo at walo, ngayon ay gabi ng pagtatapos. Ngayon ay mamamaalam na tayo sa ating mga kaibigan, sa ating mga guro, sa ating paaralan. Ngunit sana, kahit saan tayo magpunta, huwag tayong magpaalam sa ating pagka-Atenista. Sana, umalis man tayo, huwag tayong mawawala.

Magandang gabi po.
Related Links
  • AHS' beloved "Big Boy" commended for honesty by parent
  • AHS student Henry Ocier stuns audience at LIKKAS recital  
  • AHS Special Sked for Thursday, February 11
  • IndAK is first runner-up in Dancelebration
  • AHS Track & Field Team is UAAP 72 first runner-up
  • AHS Fencing Team is back-to-back champ of UAAP 72
  • Track & Field team wins 6 medals in 3 events on Day 1 of UAAP 72
  • UAAP 72 Juniors Football Game # 3: AHS 0 vs. FEU 0
  • One last treat for AHS seniors
  • Schedule of AHS Fair for Saturday, January 30 

  • DIRECTORY    SITE GUIDE    JOBS    CALENDAR     FEEDBACK     MAP     ARCHIVES